Sumali si Jordon sa isang reality show kung saan kailangang mamuhay siya sa kagubatan nang mag-isa gamit ang kakaunting kagamitan. Ngunit hindi mababangis na oso, matinding lamig, gutom, o pinsala ang nagtulak sa kanya upang sumuko—kundi ang matinding pangungulila sa kanyang pamilya. Sabi niya, “Alam kong ang tanging paraan para manalo ako ay kalimutan ang aking asawa at mga anak. Pero natuklasan kong hindi ko kaya. Bahagi sila ng aking puso at kaluluwa.”

Mayroon man tayo ng lahat ng kasanayan para mabuhay sa ilang, kung iiwas tayo sa pakikisama sa iba, tiyak na mahihirapan tayo. Sabi sa Mangangaral 4:9-10, “Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa; mas marami silang magagawa. Kapag nadapa ang isa sa kanila maitatayo siya ng kanyang kasama.” Kahit minsan ay magulo at puno ng pagsubok ang ating komunidad sa Panginoon, isang mahalagang bahagi ito ng ating paglago at tagumpay sa buhay. Wala tayong pag-asang manalo kung mag-isa nating lalabanan ang mga pagsubok ng buhay. Ang taong nagtatrabaho mag-isa ay nagtatrabaho nang walang saysay (MANGANGARAL 4:8). Samantala, mas madaling mahulog sa panganib ang nag-iisa (TAL. 11-12). At hindi tulad ng iisang hibla, mahirap malagot ang isang pising may tatlong hibla (TAL. 12). Regalo sa atin ang ating komunidad kay Cristo. Nagbibigay ito sa atin ng lakas, suporta, at pag-asa sa gitna ng pagsubok. Kailangan natin ang isa’t isa.