Matapos kong magtanim ng ilang buto sa aking bakuran, hinintay ko ang resulta. Nabasa kong tutubo ang mga ito sa loob ng sampu hanggang labing-apat na araw. Hindi nagtagal, may ilang dahon na akong nakitang sumisibol. Ngunit sinabi ng asawa kong mga damo lang iyon. Pinayuhan niya akong bunutin agad ang mga ito upang hindi makasagabal sa paglago ng binhi na tinanim ko.
Itinuro rin ni Jesus ang kahalagahan ng pagharap sa mga hadlang na maaaring pumigil upang maging matatag tayo sa pananampalataya. Sa isang bahagi ng Kanyang talinghaga, ipinaliwanag Niyang nang maghasik ang magsasaka ng kanyang mga binhi, ang ilan ay “nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi” (MATEO 13:7). Hadlang ang mga tinik at damo sa paglago ng halaman (TAL. 22). Gayundin ang pag-aalala. Siguradong pipigilan tayo nito upang maging matatag ang pananampalataya. Mahusay na paraan ang pagbabasa ng Biblia at pananalangin upang tumatag ang ating pananampalataya. Ngunit natutunan ko rin na kailangan kong bantayan ang mga tinik ng pag-aalala. Maaari nitong hadlangan ang Salita ng Dios na itinanim sa puso ko at ibaling ang isipan ko sa mga negatibong bagay.
Ayon sa Biblia, may kasamang pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan ang bunga ng Banal na Espiritu (GALACIA 5:22). Ngunit upang magkaroon tayo nito, kailangan natin ang tulong ng Dios upang bunutin ang anumang damo ng pag-aalinlangan o pag-aalala na maaaring makahadlang sa atin at maglayo ng ating paningin mula sa Kanya.
