Bagama’t pinalaya na ni Jesus ang aking anak na si Geoff mula sa pagkalulong sa droga, nag-aalala pa rin ako. Paminsan- minsan, dahil sa hirap ng pinagdaanan namin, mas nakatuon ang pansin ko sa masama niyang nakaraan imbes na sa magandang hinaharap niya sa Panginoon. Bilang magulang, nag-aalala akong baka bumalik siya sa dating buhay. Isang araw, sa isang pagtitipon ng pamilya, hinila ko si Geoff sa isang tabi at sinabi, “Tandaan mo, may kalaban tayo, at makapangyarihan siya.” “Alam ko po, Tay,” sagot niya. “May kapangyarihan siya, pero wala siyang awtoridad.”

Sa sandaling iyon, naalala ko ang walang halintulad na awtoridad ni Jesus upang iligtas tayo sa kasalanan at baguhin ang ating buhay habang umaasa tayo sa Kanya. Kaagad pumasok sa aking isipan ang Kanyang sinabi bago Siya bumalik sa Kanyang Ama sa langit: “Ibinigay sa Akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi” (MATEO 28:18-19).

Sa pamamagitan ng Kanyang pagka-pako sa krus at muling pagkabuhay, gumawa ng paraan si Jesus upang makalapit tayo sa Kanya, anuman ang ating nakaraan. Hawak Niya ang ating nakaraan, maging ang ating kinabukasan. Ipinangako Niyang makakasama natin Siya palagi (TAL. 20). Makatitiyak tayong tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako, at na hawak Niya tayo sa Kanyang kamay. Binibigyan tayo ni Jesus ng bukod-tanging pag- asa. Sa sobrang ganda nito, hindi natin ito maitatago. Maaaring may kapangyarihan ang diyablo at ang mundo, ngunit na kay Jesus ang “lahat ng kapangyarihan” magpakailanman.