Nang sabihin sa akin ng boss kong kailangan kong mag-organisa ng pagsasahimpapawid sa radyo sa isang international book expo, nakaramdam ako ng takot. Bago kasi ito sa akin. Nanalangin ako. Dios ko, wala pa akong nagawang ganito noon. Tulungan Mo po ako.

Naglaan ang Dios ng mga kagamitan at tao para gabayan ako. Inilapit Niya ako sa magagaling na technicians at mamamahayag. At noong panahon na ng expo, ipinaalala Niya sa akin ang mga detalyeng nakaligtaan ko. Sa tingin ko, naging maayos naman ang pagsasahimpapawid. Alam kasi ng Dios kung anu ano ang mga kailangan ko at kung paano ko gagamitin ang mga kasanayang ibinigay Niya sa akin.

Kapag tinawag tayo ng Dios sa anumang gawain, bibigyan din Niya tayo ng kakayahan. Gaya ni Bezalel. Isa na siyang bihasang manggagawa noong mapili siyang gumawa sa Tolda ng Tipanan. Pero dinagdagan pa ng Dios ang kanyang kaalaman. “Pinuspos Ko siya ng Aking Espiritu para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain” (EXODUS 31:3). Binigyan din siya ng isang katuwang: si Oholiab, na isa ring bihasang manggagawa (TAL. 6). Sa tulong ng Dios, dinisenyo at ginawa nila ang tolda, pati ang lahat ng kagamitan at kasuotan ng mga pari. Mahalaga ang mga ito para sa wastong pagsamba ng mga Israelita sa Dios (TAL. 7-11).

Ang ibig sabihin ng pangalang Bezalel ay “nasa lilim proteksyon ng Dios.” Nakagawa siya ng napakalaking gawain sa ilalim ng proteksyon, kapangyarihan, at probisyon ng Dios. Buong tapang nating sundin ang Kanyang pagtawag mula simula hanggang huli. Alam Niya ang ating mga pangangailangan, pati kung paano at kailan ibibigay ang mga ito.