Sa unang dalawang pelikula tungkol sa boksingerong si Rocky, isinaysay kung paano niya napagtagumpayan ang maraming hadlang. Mula sa pagiging hamak na boksingero, naging heavyweight champion siya dahil sa kanyang determinasyon. Sa Rocky III naman, dala ng kanyang tagumpay, kasikatan, at pagka- bilib sa sarili, yumabang si Rocky at naging pabaya. Kaya naman nang muli siyang lumaban, na-knockout siya. Ipinakita sa pelikula kung paano siya nagsikap na maibalik ang kanyang husay.

Maihahalintulad iyan sa nangyari kay Haring Asa ng Juda. Sa unang bahagi ng kanyang paghahari, palagi siyang nakasandal sa Dios sa anumang labanan. Gaya nang salakayin sila ng mga taga-Etiopia. Nanalangin si Asa, “Tulungan N’yo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa Inyo, at sa Inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito” (2 CRONICA 14:11). Sinagot ng Dios ang kanyang panalangin. Nilipol at tinalo nila ang mga taga Juda (TAL. 12-15).

Pagkaraan ng maraming taon, muling nakatanggap ng pag- babanta ang Juda. Pero naging kampante si Asa. Hindi siya sa Dios lumapit. Sa halip, humingi siya ng tulong sa hari ng Aram (16:2-3). Akala ni Asa, panalo siya sa ginawa niya. Pero hindi ito ikinatuwa ng Dios. Sinabi sa kanya ng propetang si Hanani na nawalan na siya ng tiwala sa Dios (TAL. 7-8). Bakit hindi siya umasa sa Dios gaya ng dati?

Matutunan nawa nating tunay na maaasahan ang Dios. “Nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa Kanya” (TAL. 9). At mararanasan natin ang Kanyang kapangyarihan kapag lubusan tayong umaasa sa Kanya.