Minumungkahi ni Alex Smalley sa lahat na gumising nang maaga, o kaya naman, sandaling huminto sa hapon. Bakit? Para pagmasdan ang pagsikat at paglubog ng araw. Pangunahing mananaliksik si Smalley sa isang pag-aaral tungkol sa nakamamanghang epekto ng panahon. At ayon sa kanya, ang pagsikat at paglubog ng araw ang pinakamaganda at kahanga-hanga sa lahat. Higit sa epekto ng asul na langit o mabituing gabi, maaaring magpabuti ng disposisyon, magpataas ng positibong emosyon, at makapagbawas ng stress ang pagsikat at paglubog ng araw. Dagdag pa ni Smalley, “Kapag nakakita ka ng sobrang laki o nakamamanghang bagay, parang lumiliit ang mga problema at alalahanin mo.”

Ganyan din ang sinambit ng propetang si Jeremias, “O Panginoong Dios, nilikha N’yo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan Ninyo. Walang anumang bagay na hindi N’yo po magagawa” (JEREMIAS 32:17).

Namangha rin si Haring David nang tanawin niya ang mga nilikha ng Dios, “Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios, ang gawa ng Kanyang kamay. Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa Kanyang kapangyarihan” (SALMO 19:1-2). Patungkol naman sa araw, sinabi niyang “Ito’y sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran. Ang kanyang init, hindi mapagtataguan” (TAL. 6). Sinasalamin ng kaluwalhatian ng buong nilikha ang makapangyarihang Dios na lumalang ng lahat. Bakit hindi ka maglaan ng oras ngayon para tumingin sa langit at mamangha sa Kanya?