Minsan, pumunta kami sa bansang Ethiopia para sa isang misyon. Sinamahan namin ang isa pang grupo upang abutin ang mga kabataang lalaking namumuhay sa kahirapan. Nakatira lamang sila sa mga barung-barong sa isang tambakan ng basura. Gayunpaman, napakasaya nilang makilala! Nagbahagi kami sa isa’t isa ng aming mga patotoo at panalangin. Isa sa mga paborito kong sandali ay nang may tumugtog ng gitara at sumamba kami kasama ang aming mga bagong kaibigan sa lilim ng maliwanag na buwan. Sa kabila ng kanilang kahirapan, puno ang mga kabataang ito ng pag-asa at kagalakan, na matatagpuan lamang kay Jesus.

Sa Gawa 16 naman, mababasa natin ang isa ring kakaibang pagpupuri sa Dios. Naganap ito sa isang kulungan sa Filipos. Naaresto, binugbog, hinagupit, at ikinulong sina Apostol Pablo at Silas dahil sa kanilang paglilingkod kay Jesus. Sa halip na mawalan ng pag-asa, sinamba nila ang Dios sa kanilang selda: “nananalangin [sila] at umaawit ng mga papuri sa Dios... Walang anu-ano’y biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo” (TAL. 25-26).

Nang makita ito ng guwardiya, inisip niyang magpakamatay na lang. Pero nang malaman niyang hindi tumakas ang mga bilanggo, namangha siya sa Dios at nagtiwala. Sumampalataya rin sa Dios ang buong pamilya niya (TAL. 27-34).

Natutuwa ang Dios tuwing maririnig Niya tayong nagpupuri sa Kanya. Sambahin natin Siya, anuman ang ating kalagayan.