Kapag pinapalipad ng mga kaibigan kong sina Al at Kathy Schiffer ang kanilang mga eroplanong mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinakamahalaga sa kanila ang reaksyon ng matatandang beterano ng digmaan. Dala nila ang mga istorya ng digmaan at ng mga eroplanong pinalipad nila. Karamihan sa kanila ay naluluha pa habang nagkukuwento. Marami sa kanila ang nagsabing ito ang pinakamagandang balitang natanggap nila sa serbisyo: “Tapos na ang digmaan. Oras na para umuwi.”

Maaaring ihalintulad ang mga salitang ito sa pakikipag-digmaan nating mga nagtitiwala kay Jesus. Kalaban natin ang diyablo, ang kaaway ng ating mga kaluluwa. Sa pagbabala ng apostol na si Pedro: “Ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa.” Iba’t iba ang paraang ginagamit ni Satanas. Isa na rito ang paggamit ng pagdurusa at pag-uusig para manghina ang ating loob at lumayo tayo sa pagtitiwala kay Jesus. Ang hamon ni Pedro sa kanyang mga mambabasa noon at ngayon? “Humanda kayo at mag-ingat” (1 PEDRO 5:8). Umasa tayo sa Banal na Espiritu upang hindi tayo sumuko at matalo ng kalaban.

Alam nating darating ang araw na babalik si Jesus. Pagdating Niya, maaaring kapareho sa mga matatandang beterano ang maramdaman natin—may luha sa mga mata at kagalakan sa ating mga puso—kapag sinabi ni Jesus: “Tapos na ang digmaan. Oras na para umuwi.”