Paano mo maaalis ang pagmumura? Sa isang paaralan, ibinaba ang polisiyang bawal magmura. Nanumpa ang mga estudyante na sila’y “nangangakong hindi magmumura sa loob ng paaralan.” Isa itong marangal na layunin. Pero ayon kay Jesus, walang polisiya o pangakong makapagtatanggal ng baho ng masasamang salita.
Para maalis ang masamang amoy ng mga salitang lumalabas sa ating mga bibig, kailangang magsimula sa pagbabago ng ating mga puso. Ayon kay Jesus, kung paanong nakikita sa bunga ang uri ng isang puno, nasasalamin sa ating mga salita kung naaayon ba ang puso natin sa puso ng Dios. “Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig” (LUCAS 6:45). Sa tulong ng Dios, kung talagang gusto nating mabago ang lumalabas sa ating mga bibig, kailangan muna nating pagtuunang mabago ang ating mga puso.
Walang silbi ang mga pangakong pigilan ang pagmumura kung walang pagbabago sa puso. Maaalis lamang natin ang masamang pananalita, una, sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus (1 CORINTO 12:3). Pagkatapos, sa pag-anyaya sa Banal na Espiritu na puspusin tayo (EFESO 5:18). Habang kumikilos Siya sa ating mga puso, binabago, tinutulungan, at binibigyan Niya tayo ng inspirasyon upang patuloy na mag-alay ng pasasalamat sa Dios (TAL. 20), at magsalita ng makabubuti at kapaki-pakinabang sa iba (4:15, 29; COLOSAS 4:6).
