Magkahalong saya at kaba ang naramdaman ko nang anyayahan ako ng aming pastor na si Harold at ng asawa niyang si Pam upang maghapunan sa kanila. Di kaya ma-sermonan lang ako? Sumali kasi ako sa isang grupo sa kolehiyong nagtuturo ng mga ideyang sumasalungat sa tunay na Salita ng Dios.
Habang kumakain kami ng pizza, nagkuwento sila tungkol sa kanilang pamilya. Nagtanong din sila tungkol sa akin. Nakinig silang mabuti tungkol sa pag-aaral ko, sa aso kong si Buchi, at sa lalaking nagugustuhan ko. Sa huli na lang nila ako malumanay na sinabihan tungkol sa grupong sinalihan ko. Ipinaliwanag nila ang mga kamalian sa mga itinuturo nito. Dahil sa kanilang babala, natulungan akong lumayo sa kasinungalingan at mapalapit sa katotohanan ng Biblia.
Mababasa naman natin sa Biblia ang liham ni Judas, kung saan gumamit siya ng matitinding pananalita tungkol sa mga huwad at sinungaling na guro: “manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya” (JUDAS 1:3). Ipinaalala rin niyang, “sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masama nilang hangarin... at wala sa kanila ang Banal na Espiritu” (TAL. 18-19). Gayunpaman, nanawagan din si Judas: “maawa kayo sa mga nag-aalinlangan” (TAL. 22) sa pamamagitan ng paglapit sa kanilang tabi at pagpapakita ng habag, habang pinapanatili ang katotohanan.
Alam nina Harold at Pam na hindi pa ako matatag sa aking pananampalataya. Ngunit sa halip na husgahan ako, inalok nila ang kanilang pagkakaibigan. Pagkatapos, ang kanilang kaalaman. Nawa’y bigyan tayo ng Dios ng ganoon ding pagmamahal at pasensya, upang gamitin natin ang karunungan at habag habang nakikipag-ugnayan tayo sa mga nag-aalinlangan.
