Libu-libong dolyar ang utang naming mag-asawa noong makatapos kami ng pag-aaral. Pag-iisahin na lang sana namin ang mga utang namin para mas mababa ang tubo. Pero hindi kami pinautang ng bangko sa bayan. Hindi pa kasi kami matagal na naninirahan o nagtatrabaho sa lugar na iyon. Nabanggit ko ito kay Ming, isang kaibigan na isa sa mga namumuno sa aming simbahan. Noong palabas na kami ng pinto, sabi niya: “Gusto kong banggitin ito sa misis ko.”
Paglipas ng ilang oras tinawagan ako ni Ming: “Nais namin ng misis kong pahiramin kayo ng pera. Walang tubo.” Hindi ko alam ang isasagot ko. “Hindi ko iyan mahihiling sa inyo ni Ann,” ang nasabi ko. “Hindi ka naman humihiling e,” ang masayang sagot niya. Pinautang nila kami’t binayaran namin ito ni Cari sa pinakamabilis na panahong kaya namin.
Naniniwala akong mapagbigay sina Ming at Ann dahil sa pag-ibig nila sa Dios. Ayon sa Biblia, “Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram, at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay” (SALMO 112:5). Maaaring maging “matatag” at walang-takot ang puso ng mga taong nagtitiwala sa Dios (TAL. 7-8), dahil batid nilang ang Dios ang pinagmulan ng mga biyayang natatanggap nila.
Mapagbigay nga ang Dios sa atin. Binigyan Niya tayo ng buhay at kapatawaran. Maging mapagbigay rin nawa tayo sa pagbabahagi natin sa mga taong nangangailangan ng pag-ibig ng Dios at ng kung anong mayroon tayo.
