Sa loob ng tatlong taon, hindi bumili ng kahit ano para sa sarili ang kaibigan kong si Susan maliban sa mga pangangailangan nila sa bahay. Naapektuhan kasi ng pandemya ang sweldo niya, kaya minabuti niyang mamuhay nang simple. Sabi niya, “Isang araw, habang naglilinis ako ng bahay, napansin kong luma at kupas na pala ang mga gamit ko. Nasabik akong magkaroon ulit ng mga bagong gamit. Tila kasi malamya na ang kapaligiran ko. Para bang kumupas na ang pananabik ko sa buhay.”
Napagtibay ang loob ni Susan mula sa isang hindi inaasahang aklat ng Biblia, ang Panaghoy. Sinulat ito ni Propeta Jeremias matapos bumagsak ang Jerusalem sa kamay ng Babilonia. Inilalarawan dito ang pagluluksa ni Jeremias at ng mga Israelita. Subalit sa gitna ng matinding kawalan ng pag-asa, ang pag-ibig ng Dios ang tiyak na mapaghuhugutan ng pag-asa: “Araw-araw ay ipinapakita [ng Dios] ang Kanyang habag” (3:22-23).
Napaalalahanan si Susan na araw-araw, walang humpay sa pagsibol ang wagas na pag-ibig ng Dios. Kapag pakiramdam natin, wala nang darating na bago sa buhay natin, maaari nating alalahanin ang katapatan ng Dios at abangan kung paano Niya tayo tutustusan. Maaari tayong umasa sa Dios. At makasisiguro tayong hindi masasayang ang pagtitiwala natin (TAL. 24-25) dahil sinisigurado ito ng Kanyang wagas na pag-ibig at habag. Sabi ni Susan, “Kaya kong tingnan ang hinaharap nang may pag-asa dahil nariyan ang pag-ibig ng Dios araw-araw. Iyon ang laging bago para sa buhay ko.”
