Mahigit dalawang siglo nang nasa umpisa ng himnaryo ng mga Metodista ang “O For a Thousand Tongues to Sing” ni Charles Wesley. Para ito sa pag-alala sa ginawang pagbabago ni Jesus sa buhay ng bawat mananampalataya. Kaya naman “For the Anniversary Day of One’s Conversion” ang orihinal nitong titulo. Makikita sa labingwalong talata ng kanta ang yaman ng kabutihan ng Dios para sa lahat ng magsisisi sa kasalanan at susunod kay Cristo.

Tunay na dapat nating ipagdiwang ang pagliligtas sa atin ni Jesus. Pero bukod doon, dapat din natin itong ipamalita. Ito ang mensahe ni Pablo kay Timoteo nang himukin niya itong magpakatatag sa pananampalataya. “Ito ang ipinapangaral ko na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal” (2 TIMOTEO 2:8-9). At upang makasigurado, nilinaw din ni Pablo kay Timoteo kung ano ang Magandang Balitang ipinapangaral niya: Si “Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David” (TAL. 8). Siya ang ating tagapagligtas. Hindi nagtagumpay ang kamatayan dahil nabuhay muli si Jesus.

Pinapalaya ni Jesus mula sa iba’t ibang kadena ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. Gayundin naman, “hindi nakakadenahan ang salita ng Dios” (TAL. 9). Kahit pa sa mga lugar na tila nagwagi ang kamatayan gaya ng mga kulungan, ospital, o libingan. May pag-asa ang lahat dahil kay Jesus. Hindi ba’t balita itong dapat nating ipagdiwang?