Batay sa nobelang The Pilgrim’s Progress ang teatrong musikal na Pilgrim. Tungkol ito sa buhay ng isang nagtitiwala kay Cristo. Dito, binigyang katauhan ang mga hindi nakikita ng ating mga mata. Halimbawa, pinapakita dito ang Dios bilang Hari. Sinasangga niya ang mga atake ng kaaway. Niyayakap naman niya ang mga nasasaktan. At inuudyukan niya ang ilan upang gumawa ng mabuti. Bagama’t naroon Siya sa entablado sa halos kabuuan ng palabas, hindi siya nakikita ng ibang mga tauhan. Pero nakikita nila ang epekto ng mga ginagawa niya.

Naniniwala ba tayong kumikilos ang Dios sa buhay natin kahit na hindi natin Siya nakikita? Natutunan ito ng propetang si Daniel nang magpadala ang Dios ng mensahero (DANIEL 10:7) bilang tugon sa kanyang panalangin (TAL. 12). Ipinaliwanag ng mensahero na hindi siya nakarating agad dahil nakipaglaban pa siya sa pwersa ng kaaway. Kinailangan ding magpadala ng isang anghel para tulungan siya (TAL. 13). Mula rito, natutunan ni Daniel na kahit hindi niya nakikita ang Dios, napapalibutan naman siya ng ebidensya ng Kanyang pagkalinga. “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala,” wika sa kanya ng mensahero.

Samantala, matapos ang maraming pagsubok, nakarating din sa pinto ng langit ang bida sa Pilgrim. Napabulalas siya, “Sa wakas, nakikita ko na ang Hari!” Gayundin naman, makikita natin ang Dios balang araw. Pero habang hinihintay iyon, makikita natin Siya sa mga ebidensya ng pagsama at pagkilos Niya sa buhay natin.