Minsan, habang umoorder kami sa isang kainan na medyo madilim ang lugar, tahimik na naghihintay ang crew sa aming oorderin. Kapansin-pansin ang malungkot niyang mukha. Maya-maya, inabutan siya ng isang lalaki ng bolpen na may maliit na ilaw sa dulo. Sinabi nito, “Para may magamit kang ilaw kapag madilim.” Biglang nagningning ang kanyang mata at napalitan ng saya ang malungkot niyang mukha. Pagkaalis niya sa aming mesa, napangiti ang lalaking nagbigay ng bolpen at pabulong na nagsabi sa akin, “Mukhang napasaya ko siya. Nawa magliwanag ang buo niyang araw.”
Gayon din naman ang epekto ng liwanag na niregalo ng Dios sa atin. Siya si Jesus ang tunay na Liwanag na dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga tao (Juan 3:16–19). Ibinigay Siya ng Dios dahil mahal Niya tayo at nais Niyang magkaroon tayo nang maayos na relasyon sa Kanya. Nais ng Dios na magtiwala tayo kay Jesus bilang ating Tagapagligtas. Patatawarin at ililigtas Niya tayo sa kaparusahan sa ating mga kasalanan at bibigyan Niya tayo ng bagong buhay na kasama Siya. Ang liwanag na dala ni Jesus ay pangwalang hanggan. Sinabi Niya, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa Akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay” (Juan 8:12 asnd).
Bilang mga sumasampalataya naman kay Jesus, tinawag din Niya tayong ilaw ng sanlibutan (Mateo 5:14). Dahil tinanggap natin ang napakagandang regalo ng Dios sa pamamagitan ni Cristo, maaari na tayong mamuhay sa Kanyang liwanag at hayaang magliwanag ang ating buhay upang makita ng iba ang Kanyang kabutihan (tal. 16). Habang si Cristo ang pinagmumulan ng ating liwanag, nawa'y maging liwanag din tayo sa buhay ng iba ngayon.
