Kilala ang propesyonal na boksingerong si James Braddock bilang isang taong hindi lumaban para yumaman o sumikat, kundi para may maihain sa hapag ang kanyang pamilya. Isinalaysay sa pelikulang Cinderella Man ang kanyang kahanga-hangang pagbabalik mula sa isang boksingerong halos wala nang pag-asang makabangon hanggang sa pagiging kampeon. Sa gitna ng matinding kahirapan, paulit-ulit niyang isinakripisyo ang kanyang lakas, kalusugan, at maging ang kanyang dangal upang maitaguyod ang kanyang mga anak. Hindi siya umatras sa sinumang kalaban. Tiniis niya ang bawat suntok alang-alang sa kanyang pamilya. Ipinakita ni Jim Braddock kung ano ang ibig sabihin ng buong pusong ipagtanggol ang mga mahal sa buhay.

Ipinagtanggol din naman ng Dios ang mga Israelita sa hukbo ng Paraon na humahabol sa kanilang pagtakas. Pero dahil sa sobrang takot, nagreklamo sila sa Dios. Sinabi nila, “Mas mabuti pang naging alipin na lang kami ng mga Egipcio kaysa mamatay dito sa ilang” (Exodus 14:12). Ngunit buong pagtitiwalang sinabi ni Propeta Moises, “Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa” (tal. 14 asnd). Hindi kinailangang makipaglaban ng mga Israelita. Sa kapangyarihan ng Dios, nilamon ng dagat ang kanilang mga kaaway at tinapos Niya ang labanan.

May mga pagkakataong pakiramdam natin ay mag-isa nating hinaharap ang mga matitinding pagsubok sa buhay (tingnan ang Salmo 91:5). Ngunit hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Dios (Deuteronomio 31:6), at Siya ang lumalaban para sa atin. Magtiwala tayo sa Kanya at manatiling panatag.