Minsan, nagkaroon ng isang patimpalak sa potograpiya na ginawa lamang ang mga larawan gamit ang artificial intelligence (AI). Mula sa iba't ibang panig ng mundo, maraming kalahok ang nagpasa ng mga larawang nabuo sa pamamagitan ng AI. Isa sa mga nanalong larawan ang kakaibang imahe na tila isang kulay-rosas na ibong flamingo na nakabilot na parang balahibong bola sa gitna ng mabuhanging tanawin.
Pero, may isang hindi inaasahang pangyayari. Ang larawang nanalo ay hindi pala gawa ng AI. Totoong litrato pala iyon ng isang tunay na flamingo. Dahil dito, nadiskuwalipika ang kanyang larawang pinamagatang Flamingone. Nakapagtataka, hindi ba? Ang tunay na larawan ang itinuring na hindi tunay.
May pagkakatulad naman ang pangyayaring ito sa sinabi ni Propeta Isaias tungkol kay Jesus. Sinabi ni Isaias, “Para Siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin” (Isaias 53:7 asnd). Iniharap si Jesus sa paglilitis dahil ipinahayag Niyang Siya ang ipinangakong Hari. Tinanggap ito ni Jesus, “ Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing” (tal. 7 asnd). Idinagdag pa ni Isaias, "Hinamak Siya at itinakwil ng mga tao" (tal. 3). Ang tunay na Hari, ang tunay na Anak ng Dios, tinanggihan ng marami na para bang isa Siyang huwad.
Hanggang ngayon, kailangan pa ring magpasya ng bawat isa sa atin. Tatanggihan ba natin si Jesus bilang tunay na Anak ng Dios O tatanggapin natin Siya? May pagkakataon ba na kahit nagtitiwala na tayo kay Jesus ay tinatanggihan pa rin natin ang kalooban Niya dahil gusto natin tayo ang masusunod sa ating buhay?
