Si Dawson Trotman ay isang lider ng kapulungan ng mga sumasampalataya kay Jesus. Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng Salita ng Dios sa buhay ng mga mananampalataya. Sinasanay daw ni Dawson na ang huling mga salitang maiisip niya bago matulog ay ang Salita ng Dios. Nagkakabisado at pinagbubulayan niya ang mga talata sa Biblia. Nananalangin din siya na maisabuhay niya nawa ang mga prinsipyo at katotohanan sa Salita ng Dios.

May sinabi naman si Haring David tungkol sa ginagawa niyang pagbubulay sa Salita ng Dios. Sinabi ni David, “Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko. Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko. Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit ako, habang ako’y nasa inyong pangangalaga” (AWIT 63:6-7 ASD). Magulo o mapayapa man ang ating sitwasyon, kapag ang Salita ng Dios ang ating inisip bago matulog, magdudulot ito sa atin ng kapahingahan at kaginhawaan. Magiging maganda rin ang gising natin sa umaga.

Binabasa naman ng kaibigan ko at ng kanyang asawa nang malakas ang Salita ng Dios araw-araw sa kanilang apat na anak. Hinayaan din nilang mag-asawa na magkuwento ang mga bata tungkol sa kanilang mga pananaw. Pinag-uusapan din nila ang tungkol sa pagsunod kay Jesus sa bahay man o sa paaralan. Iyon daw ang ginagawa nila araw-araw bago matulog sa gabi. Maganda rin naman na ang Salita ng Dios ang huling salita na ating iisipin bago matulog sa gabi.