Iba’t ibang pamamaraan ang ginagawa ng bawat bansa para ipagdiwang ang pagpasok ng bagong taon. Gayon pa man, tunay na masaya ang pagsalubong sa bagong taon. Kasama na ng bagong taon ang pangako ng isang bagong simula at yugto ng buhay natin. Anu-ano kayang mga oportunidad ang darating sa atin sa taong ito?

Katambal na rin ng kagalakang dulot ng bagong taon ay ang pangamba at takot para sa hinaharap. Walang sinuman ang nakakaalam sa maaaring mangyari sa hinaharap. Nalikha ang iba’t ibang tradisyon ng bagong taon dahil hindi natin nalalaman ang maaaring mangyari sa hinaharap. Naimbento naman noon ang paputok sa bansang Tsina para itaboy ang masasamang espiritu. Nagsimula naman ang paggawa ng New Year’s Resolution noong panahon ng mga taga-Babilonia. Nangangako sila sa kanilang mga dios-diosan. Ginagawa ito ng mga tao dahil walang sinuman ang nakakatiyak sa hinaharap.

Mababasa naman sa Biblia, ang naranasang paghihirap at pagkatakot ng mga Israelita sa kamay ng mga taga-Babilonia na sumakop sa kanila. Pero nangako ang Dios sa mga Israelita, “Huwag kang matakot... Kapag dumaan ka sa tubig, Ako’y kasama mo” (Isaias 43:1-2). May ganito ring sinabi si Jesus sa mga apostol noong naglalakbay sila sa gitna ng bagyo, “Bakit kayo natatakot?” (Mateo 8:23-27).

Hindi natin nalalaman ang maaaring mangyayari sa atin sa pagsisimula ng bagong taong ito. Pero anuman ang kakaharapin natin, makakaasa tayo sa paggabay ng Dios sa lahat ng panahon. Makapangyarihan Siya sa lahat ng pagkakataon.