Nakatanggap ako ng email mula sa isang binatang anak ng isang kakilala ko sa linya ng aking trabaho. Ipinaliwanag ng binata sa akin na nasa ospital ang kanyang ama at malala na ang lagay nito. Kaya naman gustong mapasaya ng binata ang kanyang ama. Humingi siya sa akin ng pabor na magpadala raw ako ng video na nagpapalakas ng loob at panalangin sa paggaling ng kanyang ama. Ginawa ko naman ito dahil naantig ako sa nais niyang gawin para sa kanyang ama. Napanood naman ng ama ng binata ang ginawa ko, at natuwa siya. Pero, makalipas ang ilang araw, natanggap ko ang balitang namatay na ang ama ng binata.

Nalungkot ako sa balitang iyon. Alam kong mabigat iyon para sa kanilang pamilya. Napakaagang nawalan ng asawa at ama ang pamilyang ito. Sa pangyayaring iyon, naalala ko ang nakakagulat na sinabi ng Panginoong Jesus: “Mapalad ang mga naghihinagpis” (MATEO 5:4). Hindi ipinaparating ni Jesus na mabuti ang magdalamhati tayo. Kundi dahil ipinangako ni Jesus na “aaliwin sila ng Dios” (TAL. 4). Sapagkat ipinagkakaloob ng Dios ang Kanyang awa at kabutihan sa mga taong higit na nangangailangan nito.

Bilang Kanyang mga minamahal na anak (TAL. 9), tinutulungan tayo ng Dios. Aaliwin Niya tayo sa ating kalungkutan.