Namangha ako nang makakita ng banyan tree sa Florida Keys. Sa sobrang laki ng puno, halos natakpan na nito ang buong hardin. Natuklasan kong may dalawang uri pala ng ugat ang banyan tree. May tumutubo mula sa ilalim ng lupa. At mayroon ding tumutubo mula sa mga sanga, hanggang sa maging tila katawan na ng puno ang mga ugat. Dahil dito, matatag ang mga banyan tree. Umaabot ang mga ito ng daang taon, kahit sa mga mabagyong lugar.

Gayundin naman, kailangan natin ng malalalim na mga ugat, lalo na sa matitinding panahon ng buhay. Inilarawan ni Propeta Jeremias ang mga “nagtitiwala lamang sa tao” sa “isang maliit na punongkahoy” (TAL. 5-6). Dahil kakaunti lamang ang ugat nito, madali itong malalanta at maluluoy (BASAHIN ANG MATEO 13:6). Hindi sapat na magtiwala tayo sa sarili natin dahil mapanlinlang ang puso ng tao (JEREMIAS 17:9). Ngunit kung magtitiwala tayo sa Dios, magiging tulad tayo ng isang matatag na punongkahoy “na ang mga ugat ay umaabot sa tubig” at “walang tigil ang pamumunga” (TAL. 8). Ibig sabihin, kung malalim ang ating ugat, hindi tayo basta mabubuhay lang, kundi mamumunga rin.

Sa gitna ng mga tukso at pagsubok ng buhay, mahalagang matanim tayo nang malalim sa katotohanan at pag-ibig ng Dios. Kung mananahan tayo sa Kanyang lakas, kakayanin nating manatiling malakas at matatag.