Tagasuri ng negosyo si Francis Evans. Minsan, inaral niya ang 125 na ahente ng insurance para alamin ang sikreto ng kanilang tagumpay. Nagulat siya sa napag-alaman niya.

Hindi masyadong mahalaga ang galing. Pinipili ng mamimili ang ahenteng kapareho nila ng pinag-aralan, taas, at paninindigan sa pulitika. Tinatawag na homophily ang ugaling ito, kung saan mas pinipili natin ang mga taong katulad natin.

Umiiral din ang homophily sa ibang aspeto ng buhay, tulad ng pagpili ng mapapangasawa at kaibigan. Kahit pa karaniwan naman ito, maaaring nakakapinsala ito kapag hindi nasusuri. Kung katulad lang natin ang pinipili natin, mahahati-hati ang lipunan batay sa lahi, pananaw sa pulitika, at kabuhayan.

Tulad noong unang daantaon. Ang mga Israelita, sa kapwa lang nila Israelita nakikihalubilo. Ang mga Griyego, sa kapwa Griyego. At ang mayayaman, hindi nakikisalamuha sa mahihirap. Pero ayon kay Apostol Pablo sa Roma 16:1-16, kabilang sa grupo ng nagtitiwala kay Jesus sina Priscila at Aquila (mga Israelita), Epenetus (Griyego), Febe (maraming natulungan, malamang mayaman), at Filologus (madalas pangalan ng alipin). Paanong naging magkakasama sila? Dahil kay Jesus, “wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya” (GALACIA 3:28).

Karaniwan ngang gusto nating mabuhay, magtrabaho, at magpuri sa Dios kasama ang mga taong katulad natin. Pero nais ni Jesus na higitan pa natin iyan. Sa mundong nahahati sa iba’t ibang pagkakapangkat, ginagawa Niya tayong magkakasama kahit magkakaiba. Kaisa sa Kanya bilang isang pamilya.