Makikita sa kapilya ng Christ’s College sa lungsod ng Cambridge sa bansang England ang isang monumento para sa dalawang manggagamot na sina John Finch at Thomas Baines. Kilalang magkaibigang matalik sina Finch at Baines. Madalas silang magkasama sa pananaliksik sa medisina at mga opisyal na paglalakbay. Kaya, nang namatay si Baines noong 1680, lungkot na lungkot si Finch. Umabot din kasi sa 36 na taon ang kanilang tapat na samahan. Larawan ang pagkakaibigan nila ng tunay na pagmamahal at katapatan sa isa’t isa.
Makikita rin ang wagas na pagkakaibigan kina Haring David at Jonatan. Malalim ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa (1 SAMUEL 20:41), sukat magkaroon sila ng kasunduan (TAL. 8-17, 42). Sukdulan din ang kanilang katapatan sa isa’t isa (19:1-2; 20:13). Tinalikuran pa nga ni Jonatan ang karapatang maging hari para kay David (20:30-31; 23:15-18). Nang pumanaw si Jonatan, nagdalamhati si David sapagkat minahal siya nito nang “higit pa sa pagmamahal ng mga babae” (2 SAMUEL 1:26).
Marahil hindi tayo sanay na ihambing ang malalim na pagkakaibigan sa magandang samahan ng mag-asawa. Ngunit magandang tularan sina Finch at Baines, gayundin sina David at Jonatan, upang lumalim ang ating mga pagkakaibigan. Gayundin ang halimbawa ni Jesus. Hinayaan Niyang lumapit at sumandal sa Kanya ang Kanyang mga kaibigan (JUAN 13:23-25). Nawa ang pagmamahal, katapatan, at pagpapahalagang ipinakita ni Jesus sa Kanyang mga kaibigan ang maging batayan natin upang bumuo ng mas matitibay at malalalim na pagkakaibigan.
