Sa edad na 30, ipinagkatiwala ko ang buhay ko kay Jesus. Napakarami kong katanungan bilang bagong nagtitiwala sa Kanya. Mas dumami pa ang tanong ko nang magbasa ako ng Biblia. Kaya tinanong ko ang isang kaibigan, “Paano ko ba masusunod ang lahat ng utos ng Dios? Ni hindi ko nga napigil mainis sa asawa ko kaninang umaga!”
“Patuloy mo lang basahin ang Biblia,” aniya, “at hilingin mo sa Banal na Espiritu na tulungan kang magmahal kagaya ng pagmamahal sa iyo ni Jesus.”
Simple ngunit malalim ang katotohanang iyon. At sa higit 20 taong pamumuhay ko bilang anak ng Dios, nagbibigay patnubay pa rin ito sa akin upang isabuhay ko ang pag-ibig ng Dios, na may tatlong punto. Una, ayon kay Apostol Pablo, pag-ibig ang sentro ng buhay ng mga nagtitiwala kay Jesus. Pangalawa, pagsunod sa Dios ang patuloy na pagbabayad ng “utang ng pagmamahalan” sapagkat “ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan” (ROMA 13:8). Panghuli, tinutupad natin ang Kautusan dahil “ang taong nagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa” (TAL. 10).
Kapag naranasan natin ang lalim ng pag-ibig ng Dios sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesus sa krus, tiyak na magpapasalamat tayo. At sa ating tapat na pasasalamat kay Jesus, magagawa nating mahalin din ang iba sa ating salita, gawa, at saloobin. Mula sa Dios ng pag-ibig bubukal ang ating tunay na pag-ibig sa ating kapwa (1 JUAN 4:16, 19).
O, mapagmahal na Dios, tulungan Mo po kaming maisapamuhay ang Inyong dakilang pag-ibig!
