Nais ni Kristin na regaluhan ng aklat ang kanyang asawang si Xio-Hu. Ngunit Biblia lamang ang nakita niyang nakasulat sa wikang Tsino. Hindi sila naniniwala kay Cristo, pero binili pa rin ito ni Kristin. Nagalit ang asawa niya nang makita ang Biblia. Ngunit kinalaunan, binasa rin naman ito ni Xio-Hu. Sa kanyang pagbabasa, napaniwala si Xio-Hu sa mga katotohanang nakasulat dito. Hindi ito inasahan ni Kristin, kaya binasa rin niya ang Biblia upang pabulaanan si Xio-Hu. Ngunit laking gulat niya nang mahikayat at maniwala rin siya sa mga katotohanang nabasa niya.

Alam ni Apostol Pablo na nakapagbabago ng buhay ang Biblia. Noong nasa bilangguan siya sa Roma, sumulat siya sa alagad niyang si Timoteo. Hinimok niya si Timoteo: “magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo” dahil “mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan” (2 TIMOTEO 3:14-15). Sa Griyego, na siyang orihinal na wikang ginamit, nangangahulugan ang salitang “magpatuloy” na “manatili” sa inihahayag ng Biblia. Batid niya na haharap si Timoteo ng pag-uusig, kaya nais ni Pablo na maging handa si Timoteo. Naniniwala siya na magkakaroon ng lakas at karunungan ang kanyang disipulo mula sa patuloy na pagbubulay ng mga katotohanan sa Biblia.

Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nagiging buhay sa ating mga puso ang Biblia. Habang nananatili tayo sa Biblia, binabago tayo nito upang mas maging kawangis ni Jesus. Kagaya rin ito ng ginawa Niya kina Xio-Hu at Kristin.