Sa loob ng 70 taon ng makasaysayang panunungkulan ni Queen Elizabeth II sa bansang Britain, iisang talambuhay lang ang sinuportahan niya, ang The Servant Queen and the King She Serves (Ang Aliping Reyna at ang Haring Kanyang Pinaglilingkuran). Inilathala ito bilang pagdiriwang sa kanyang ika-90 na kaarawan. Mababasa dito kung paanong naging gabay niya sa paglilingkod sa bansa ang kanyang pananampalataya. Sa paunang salita ng aklat, ipinahayag ng reyna ang pasasalamat sa lahat na nanalangin para sa kanya. Nagpasalamat din siya sa Dios sa pag-ibig Niyang hindi kumukupas. Sa huli sinabi niya, “Totoong nakita ko ang Kanyang katapatan.”

Simple lang ang pahayag ni Queen Elizabeth. Ngunit sumasalamin ito sa mga patotoo ng maraming mga kalalakihan at kababaihan sa kasaysayang nakaranas din ng katapatan ng Dios. Ito rin ang paksa ng awit ni Haring David habang pinagninilayan niya ang kanyang buhay. Nakatala sa 2 Samuel 22 kung paano iningatan, pinagpala, at iniligtas ng Dios si David mula sa mga panganib (TAL. 3-4, 44). Bilang tugon sa katapatan ng Dios, isinulat ni David, “Aawitan ko kayo ng mga papuri” (TAL. 50).

Mas makikita natin ang yaman ng katapatan ng Dios sa pagdaan ng panahon. Ngunit hindi naman natin kailangang maghintay pa nang matagal para ihayag ang katapatan Niya. Kung kikilalanin nating ang lahat ng ating katagumpayan ay dahil sa tapat na pangangalaga ng ating mapagmahal na Dios, bubukal ang pasasalamat at pagpupuri sa ating mga puso.