Pagkatapos ng isa na namang karamdaman, natakot ako sa mga bagay na hindi ko kontrolado. Nakadagdag din ang isang artikulong nabasa ko sa magasin na Forbes. Ayon sa mga siyentipiko, bumibilis ang pag-ikot ng mundo. Dahil dito, maaaring kailanganing bawasan ng isang segundo ang pandaigdigang oras. Kahit na parang napakaliit lamang ng isang segundo, malaking bagay para sa akin ang malamang nagbabago ang ikot ng mundo. Pakiramdam ko, maaari nitong pahinain ang pananampalataya ko. Gayunpaman, nakatutulong ang kaalaman na ang Dios ang may hawak ng lahat. At maaari akong magtiwala sa Kanya, gaano man nakakatakot ang hinaharap.

Sa Salmo 90, sabi ni Moises, “Bago N’yo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, Kayo ay Dios na, at Kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan” (TAL. 2). Kinilala ni Moises ang sukdulang kapangyarihan at pamamahala ng Dios sa buong nilikha, at hindi Siya kayang limitahan ng panahon (TAL. 3-6).

Habang patuloy nating kinikilala ang Dios at sinasaliksik ang nakamamanghang mundong nilikha Niya, makikita natin ang patuloy Niyang pamamahala sa lahat. Kasama na dito ang oras at ang ating buhay. Kaya naman, maaari nating ipagkatiwala sa Dios ang lahat ng hindi natin alam, maging ang mga matutuklasan pa lamang sa hinaharap. Mananatili tayong ligtas sa mga kamay ng ating Dios na mapagmahal.