Ano kaya ang pakiramdam nang lumakad suot ang sapatos ng maharlika? Alam ito ni Angela Kelly, isang nars. Siya rin ang opisyal na tagaayos ng kasuotan ni Queen Elizabeth sa huling 20 taon ng buhay niya. Isa sa kanyang mga tungkulin ang maglakad sa bakuran ng palasyo suot ang bagong mga sapatos ng reyna upang lumambot ang mga ito. Ang dahilan ng kanyang ginagawa: pagmamalasakit sa isang matandang reynang kailangang tumayo ng mahahabang oras sa mga seremonya. Dahil magsinlaki ang kanilang mga paa, natutulungan ni Kelly ang reyna upang hindi sumakit ang paa nito mula sa mga bagong sapatos.
Ang mapagmahal na pagmamalasakit ni Kelly sa reyna ay nagpaalala sa akin sa pagpapalakas-loob ni Pablo sa mga taga Colosas. “Dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis” (COLOSAS 3:12). Kapag nakasalig ang mga buhay natin sa Panginoong Jesus (2:7), tayo’y magiging “banal at minamahal na mga pinili ng Dios” (3:12). Tinutulungan Niya tayong hubarin ang ating “dating pagkatao” at isuot ang “bagong pagkatao” (TAL. 9-10). Ibig sabihin, ipamuhay natin ang pagmamahal at pagpapatawad dahil minahal at pinatawad din tayo ng Dios (TAL. 13-14).
Marami ang nangangailangan ng ating pagmamalasakit sa pagharap nila sa mga hamon nila sa buhay. Kapag ginawa natin ito, hindi lang natin suot ang sapatos ng Hari na si Jesus. Lumalakad din tayo sa Kanyang yapak, na palaging nagmamalasakit.
