Hindi natin itinuturing ang mga paruparo bilang maiingay na nilalang. Halos hindi nga natin marinig ang pagaspas ng mga pakpak nila. Pero sa kagubatan ng bansang Mexico kung saan maraming paruparong tinatawag na Monarch, magugulat ka sa ingay ng sabay-sabay nilang paglipad. Kapag milyon-milyong Monarch ang lumilipad, tila rumaragasang tubig ng isang talon ang tunog nila.
Ganito rin inilarawan sa pangitain ng propetang si Ezekiel ang apat na kakaibang nilalang na may pakpak. Hindi sila kasindami ng mga paruparo sa Mexico, pero inihalintulad din ni Ezekiel ang pagaspas ng mga pakpak nila sa “ugong ng rumaragasang tubig” (EZEKIEL 1:24). Nang tumigil sila sa paglipad at ibinaba ang pakpak nila, narinig ni Ezekiel ang tinig ng Dios na inaatasan siya: “Dapat mong sabihin sa [mga Israelita] ang ipinasasabi ko sa iyo” (2:7).
Gaya ng ibang propeta sa Lumang Tipan, inatasan din si Ezekiel na ipahayag ang katotohanan sa mga taong pinili ng Dios. Sa panahon ngayon, tayo ang inaatasan ng Dios upang ibahagi sa mga tao sa paligid natin ang kabutihang ginawa Niya sa atin (1 PEDRO 3:15). Kung minsan, direkta Siyang nangungusap sa atin na tila kasinlakas ng “rumaragasang tubig.” Kung minsan naman, parang kasinghina lang ng isang bulong. Kasinlakas man ng milyon-milyong paruparo ang imbitasyon ng Dios na ibahagi Siya o kasinghina ng isa lang, dapat natin itong pakinggan gaya ni Ezekiel. Pakinggan natin ang gusto ng Dios na sabihin natin sa iba.
