Ipinalabas noong 2019 ang pelikulang “Little Women,” na batay sa isang nobela. Dahil sa pelikula, muli ko itong binasa. Isa sa mga gusto kong karakter si Marmee, ang matalino at mayuming ina ng mga bida. Inilarawan siya bilang matatag ang pananampalataya, na makikita sa mga payo niya sa kanyang mga anak. Isa sa mga sinabi niya ito: “Marami man ang tukso at pagsubok sa buhay, malalagpasan at mapagtatagumpayan ninyo ito kung panghahawakan ninyo ang kapangyarihan at pag-ibig ng Dios Ama.”

Katulad ang sinabi ni Marmee sa nasusulat sa Kawikaan 18:10, “Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.” Noong unang panahon, itinatayo ang mga tore para maging takbuhan kapag may panganib, gaya ng pag-atake ng mga kaaway. Kahalintulad noon, sa pagtakbo sa Dios, nagkakaroon ng kapayapaan ang mga nagtitiwala kay Jesus. Dahil ang Dios ang ating “kanlungan at kalakasan” (SALMO 46:1).

Ayon sa Kawikaan 18:10, matatagpuan ang kaligtasan at kalinga sa “pangalan” ng Panginoon (ᴀʙᴀʙ). At sino ang Panginoon? Inilalarawan Siya sa Biblia bilang “mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal at matapat... at hindi madaling magalit” (EXODUS 34:6). Nagmumula ang pag-iingat Niya sa Kanyang kapangyarihan at pag-ibig. Ito ang nagtutulak sa Kanya upang kalingain ang mga may dinaramdam. Kaya naman, sa lahat ng mga nangangailangan, nag-aalok ang Dios Ama ng kanlungan sa Kanyang kapangyarihan at pag-ibig.