Sinagip ni Linda ang asong si Rudy ilang araw bago ito patayin. Mula noon, ito na ang naging kasama ni Linda. Sa loob ng 10 taon, nakasanayan ni Rudy na matulog sa tabi ng kama ni Linda. Hanggang isang araw, bigla na lang tumalon ang aso sa tabi niya at dinilaan ang mukha niya. Sinasaway siya ni Linda, pero gabi-gabi, inuulit ni Rudy ang ginagawa niya. Kinalaunan, kahit nakaupo lang siya, dinidilaan ni Rudy ang mukha niya.

Habang pinaplanong paturuan si Rudy para maging masunurin, napaisip si Linda kung bakit paulit-ulit nitong dilaan siya sa parehong parte ng mukha niya. Nahihiya man, nagpunta si Linda sa isang doktor. Doon, natuklasan niyang mayroon siyang tumor sa bahaging iyon. Ayon sa doktor, kung nahuli nang punta si Linda, baka ikinamatay niya iyon. Pinagtiwalaan ni Linda ang kutob ni Rudy at masaya siya dahil ginawa niya iyon.

Sa Biblia naman, ilang beses sinabing nagdudulot ng buhay at kagalakan ang pagtitiwala sa Dios. Ang sabi sa Salmo 40:4, “Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala.” Sa ibang salin naman sa Ingles, sa halip na “mapalad,” “masaya” ang ginamit. Sa aklat ng mga Salmo, nangangahulugan ang pagiging masaya ng kasaganaan, isang nag-uumapaw na sigla at saya.

Kapag nagtitiwala tayo sa Dios, nagbubunga ito ng malalim at tunay na kaligayahan. Hindi laging madaling magtiwala, at maaaring iba sa inaasahan natin ang bunga nito. Pero kung magtitiwala tayo sa Dios, tiyak na hindi natin ito pagsisisihan.