Nang marinig ng 5 taong gulang na si Sarah ang tunog ng drill ng dentista, natakot siya at napatalon. Ayaw na niyang bumalik sa upuan. Naintindihan ng dentista ang takot ng bata, kaya sinabihan niya si Jason, ang tatay ng bata, na siya ang umupo. Akala ni Jason, ipapakita lamang ng dentista kung gaano kadali ang gagawin. Pero sinabihan ng dentista si Sarah na kumandong sa tatay niya. Habang nakakandong sa tatay niya, kumalma si Sarah at nagpatuloy ang dentista na ayusin ang ngipin niya.
Noong araw na iyon, isang magandang aral ang natutunan ni Jason tungkol sa kapayapaan sa piling ng Ama sa langit. Sabi niya, “Minsan, pinipili ng Dios na huwag makialam sa sitwasyon natin. Pero ipinapangako naman Niyang sasamahan Niya tayo.”
Ito rin ang mensahe ng Salmo 91. Ipinapaliwanag dito ang kapayapaan sa piling ng Dios, na nagbibigay sa atin ng lakas na harapin ang mga pagsubok. Kapag alam nating makapagpapahinga tayo sa piling ng Dios, nagkakaroon tayo ng kasiguruhan. Gayundin ang pangako Niya, “Kapag tumawag siya sa Akin, sasagutin Ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan Ko siya” (TAL. 15).
Hindi natin maiiwasan na kung minsan, masasaktan at mahihirapan tayo dahil maraming hamon at pagsubok ang buhay. Pero sa piling ng Dios, mayroon tayong kapanatagan. Makakayanan natin ang anumang problema. Hayaan nating palakasin Niya ang ating pananampalataya habang pinalalago Niya tayo sa gitna ng mga pagsubok.
