Sa pelikulang The Wizard of Oz, simple lang ang dapat gawin ni Dorothy para makabalik siya at si Toto sa kanilang tahanan sa Kansas. Kailangan niya lang ipadyak ang kanyang pulang sapatos at sabihing, “Walang kasingganda ang sariling tahanan.”

Marami ang tulad ni Dorothy na nagnanais ng tunay na tahanan kung saan sila nabibilang. Ngunit hindi laging madaling matagpuan ito.

Isa sa mga epekto ng pabagu-bagong mundo ay ang pakiramdam na hindi mapabilang. Ang damdaming ito ay maaaring sumasalamin sa isang mas malalim na katotohanan. Ayon kay C.S. Lewis, “Kung may hinahanap akong kasiyahan na hindi ko matagpuan saanman sa mundong ito, maaaring dahil nilikha ako para sa buhay na walang hanggan kasama ang Dios.”

Noong gabi bago ipako sa krus si Jesus, tiniyak Niya sa Kanyang mga alagad ang tungkol sa tahanang ito: “Sa tahanan ng Aking Ama ay maraming silid. Pupunta Ako roon para ipaghanda kayo ng lugar” (JUAN 14:2). Isang tahanang punô ng pag-ibig at bukas para sa atin.

Ngunit maaari rin tayong makaranas ng tunay na tahanan ngayon. Bahagi tayo ng isang pamilya, ang iglesya ng Dios. At nabubuhay tayong may ugnayan sa mga kapatid natin kay Cristo. Maaari na tayong mamuhay sa Kanyang kapayapaan at kagalakan ngayon, hanggang sa dalhin tayo ni Jesus sa tunay nating tahanan.