Kasama sa iskedyul ni Pastor Damian ang pagbisita sa dalawang pasyenteng nasa bingit ng kamatayan. Magkaiba ang tinahak nilang landas sa buhay, at kitang-kita ang pagkakaiba. Sa unang ospital, binisita niya ang isang babaeng minamahal ng kanyang pamilya at ng marami dahil sa kanyang di-makasariling paglilingkod sa publiko. Maraming mananampalataya ang nagtipon sa kanyang silid, at napuno iyon ng pagsamba, panalangin, at pag-asa. Samantala, nasa kabilang ospital ang kamag-anak ng miyembro ng simbahan ni Pastor Damian. Matigas ang kanyang puso, na nagbunga ng magulong buhay. Dahil sa kanyang mga maling desisyon at pagkakamali, nagdusa ang kanyang pamilya.
Kung hindi natin iniisip ang direksyon ng ating buhay, madalas nating matatagpuan ang ating sarili sa mga hindi kanais-nais at malulungkot na lugar. Sabi sa Kawikaan 14:12, “Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.” Bata man o matanda, malusog o may sakit, mayaman o mahirap, hindi pa huli ang lahat upang muling suriin ang ating buhay. Saan ito patungo? Nakalulugod ba ito sa Dios? Nakakatulong ba ito sa iba o nagdudulot ng kaguluhan? Daan ba ito ng isang tagasunod ni Cristo?
Mahalaga ang ating desisyon. At tutulungan tayo ng Dios upang makagawa ng tamang pagpili kung lalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus, na nagsabi, “Lumapit kayo sa akin... at bibigyan ko kayo ng kapahingahan” (MATEO 11:28).
