Pagkatapos ng sunod-sunod na mga medikal na pagsusuri kay Bev, nakaramdam siya ng matinding pagod at pangamba. Nag-alala siya nang sabihin ng doktor na posibleng may kanser siya. Sa kabila nito, pinalalakas siya ng Dios bawat araw sa pamamagitan ng kapayapaang nakukuha niya sa pagbabasa ng Biblia. Bagama’t lumalaban siya nang walang katiyakan, sa huli, natutunan niyang ibigay sa Panginoon ang kanyang mga kabalisahan. Isang umaga, bago ang isang mahalagang operasyon, nangusap kay Bev ang isang talata sa Exodus 23: “Ngayon, isinugo Ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda Ko para sa inyo” (TAL. 20).

Sinabi ng Dios ang talatang ito sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Ito ay habang ibinibigay Niya ang Kanyang mga utos na susundin ng Kanyang mamamayan, para maging gabay sa kanilang paglalakbay sa bagong lupain (TAL. 14-26). Ngunit sa kalagitnaan nito, sinabi Niyang magpapadala Siya ng anghel “para bantayan at gabayan kayo” (TAL. 20). Hindi man parehas na sitwasyon ang dinaranas ni Bev, naalala niya ang kalinga ng mga anghel na binabanggit sa Biblia. Ayon sa Salmo 91:11, “uutusan ng Dios ang Kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.” Sa Hebreo 1:14 naman, sinasabing nagpapadala ang Dios ng mga anghel bilang “espiritung naglilingkod” upang tulungan ang mga nagtitiwala kay Jesus. Kung kilala natin si Cristo at nagtitiwala tayo sa Kanya, may mga anghel Siyang inilalapit sa atin upang tumulong sa atin.