Ilang dekada na ang nakalipas nang dumalo ako sa isang college retreat kung saan nag-uusap silang lahat tungkol sa personality test. Sabi ng isa, “ISTJ ako!” “ENFP ako,” pakli naman ng isa. Hindi ko sila maunawaan, kaya pabiro ko na lang sinabing, “ABCXYZ ako.”
Ngayon, marami na akong kaalaman tungkol sa mga ganoong tests (Myers-Briggs, DiSC Assessment, atbp.). Kahanga-hanga ang mga ito dahil natutulungan tayo ng mga ito upang maunawaan at maintindihan ang ating mga sarili. Nakapagbibigay-liwanag ang mga ganitong test sa ating mga kagustuhan, kalakasan, at kahinaan. Kung uunawaing mabuti at gagamitin nang tama, maaaring maging kapaki-pakinabang ang mga ito para matulungan tayong lumago sa Panginoon.
Walang personality tests sa Biblia. Ngunit pinagtitibay nitong iba iba ang pagkatao ng bawat nilikha ng Dios (SALMO 139:14-16; JEREMIAS 1:5). Ipinapakita nito kung paano tayo binibigyan ng Dios ng magkakaibang personalidad at mga natatanging kaloob sa paglilingkod sa Kanyang kaharian. Sa Roma 12:6, sinabi ni Pablo, “Iba’t-iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa Kanyang biyaya.”
Paliwanag pa ni Pablo, hindi pansarili lamang ang mga kaloob ng Dios, kundi para sa paglilingkod sa kapulungan ng mga nagtitiwala kay Cristo (TAL. 5). Kapahayagan ang mga kaloob ng Kanyang biyaya at kabutihan para sa lahat. Hinihikayat din tayo ng mga ito upang maging katangi-tanging sisidlan para sa paglilingkod sa Dios.
