Nag-aalala si Joy para sa kamag-anak na si Sandy. Sa loob kasi ng maraming taon, nalulong si Sandy sa alak at nakipaglaban sa mga pagsubok na pangkaisipan (mental health issues). Nang puntahan nila ang apartment ni Sandy, naka-kandado ito at tila walang tao. Habang pinag-uusapan nila ang paghahanap kay Sandy, nanalangin si Joy, “Dios ko, tulungan Mo po akong makita ang hindi ko nakikita.” Papaalis na sila nang mapansin ni Joy ang bahagyang paggalaw ng kurtina. Sa puntong iyon, alam niyang buhay si Sandy! Bagama’t kinailangang tumawag ng emergency assistance upang mailabas si Sandy, ikinagalak ni Joy ang mabilis na kasagutan sa kanyang panalangin.

Alam ng propetang si Eliseo ang kapangyarihan ng paghiling sa Dios upang makakita batay sa Kanyang pananaw. Nang palibutan sila ng mga sundalong Arameo, nanginig sa takot ang lingkod ni Eliseo. Ngunit hindi natinag si Eliseo. Sa tulong ng Dios, nakita niya ang hindi nakikita. Nanalangin si Eliseo na mabuksan din ang paningin ng kanyang lingkod. “Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid” (2 HARI 6:17).

Inalis ng Dios ang tabing sa pagitan ng espirituwal at pisikal upang makita nina Eliseo at kanyang lingkod ang tunay na kaganapan. Naniniwala naman si Joy na hinayaan ng Dios na makita niya ang bahagyang paggalaw ng kurtina upang bigyan siya ng pag-asa. Maaari rin nating hilingin sa Dios na mabuksan ang ating mga mata upang maintindihan ang mga kaganapan sa ating paligid, sa buhay ng ating mga minamahal, o sa ating komunidad. Maaari rin tayong maging kinatawan ng Kanyang pagmamahal, katotohanan, at kaawaan.