Sa isang eksena sa pelikulang The Fellowship of the Ring na batay sa nobela ni J.R.R. Tolkien, hinarap ni Gandalf the Grey si Saruman the White. Malinaw sa tagpong ito na tinalikuran ni Saruman ang kanyang tungkuling protektahan ang Middle-earth mula sa kasamaan ni Sauron. Ang masaklap pa, nakipag-alyansa si Saruman kay Sauron! Nagtunggali ang dating magkaibigan sa isang matinding labanan sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Kung nanatili lang sana si Saruman sa pagiging mabuti at ginawa niya ang alam niyang tama!

Nahirapan din si Haring Saul na manatili sa kabutihan. Sa isang bahagi ng kanyang buhay, “pinaalis [niya] ang mga espiritista sa Israel” (1 SAMUEL 28:3). Magandang hakbang ito, dahil “kinasusuklaman ng Panginoon” ang mga kagawian ng manghuhula, mangkukulam, at espiritista (DEUTERONOMIO 18:9-12). Ngunit nang hindi sinagot ng Dios ang pakiusap ni Saul kung paano haharapin ang napakalaking hukbo ng mga Filisteo (dahil na rin sa kanyang mga naging pagkukulang), bumaliktad si Saul: “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan” (1 SAMUEL 28:7). Nilabag ni Saul ang sarili niyang kautusan, kahit na alam niyang iyon ang tamang gawin.

Pagkaraan ng isang milenyo, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo” (MATEO 5:37). Sa madaling salita, kung pinili na nating sumunod kay Cristo, mahalagang tuparin natin ang ating sinumpaan nang may katapatan. Sa tulong ng Dios, manatili tayo sa tamang landas.