Bilang mga teenager, hindi namin naintindihan ni Ate nang magtiwala si Nanay kay Jesus bilang Tagapagligtas. Pero hindi rin namin maikaila ang mga pagbabagong nakita namin sa kanya. Nagkaroon siya ng higit na kapayapaan at kagalakan. Buong katapatan din siyang naglingkod sa simbahan. At dahil gustong-gusto niya ang pag-aaral ng Biblia, nag-aral siya sa isang seminaryo. Ilang taon matapos ito, tinanggap din ni Ate si Jesus bilang Tagapagligtas at naglingkod din sa Kanya. Pagkatapos ni Ate, nagtiwala rin ako kay Jesus. Tulad nila, naglingkod din ako sa Dios. Makalipas ang maraming taon, ganoon din ang ginawa ni Tatay. Dahil sa pagtanggap ni Nanay kay Cristo, nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa aming pamilya, at maging sa aming mga kamag-anak.
Sa Biblia, nang isulat ni Apostol Pablo ang kanyang huling liham kay Timoteo, hinimok niya si Timoteo na magpatuloy sa kanyang pananampalataya kay Jesus. Binanggit din ni Pablo na nakita niya ang espirituwal na pamanang tinanggap ni Timoteo: “Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon” (2 TIMOTEO 1:5).
Kung isa kang nanay o lola, nakakaapekto sa maraming henerasyon ang iyong mga desisyon.
Mabuti na lamang at pinalaki si Timoteo ng kanyang nanay at lola sa pananampalataya. Dahil dito, naihanda at nahubog si Timoteo upang maging lingkod ng Dios.
Parangalan natin ang mga nanay na pinipiling sumunod kay Jesus. Gayundin naman, ipanalangin natin na makapag-iwan din tayo ng espirituwal na pamana para sa ating mga mahal sa buhay.
