Ang pag-ibig sa Dios at sa mga tao ang nagpapatibay kay Kathryn sa pagsasalin niya ng Biblia. Natutuwa siya kapag nagkakaroon ng mas malalim na pang-unawa sa Biblia ang mga kababaihan sa bansang India dahil nababasa nila ito sa kanilang sariling wika. Sabi niya, “Madalas silang nagsasaya o pumapalakpak kapag nababasa nila ang tungkol kay Jesus, at sinasabi nila, ‘Ang galing!’”
Nais ni Kathryn na mas marami pang tao ang makabasa ng Biblia sa kanilang sariling wika. Hawak niya sa kanyang puso ang pangitaing tinanggap ng tumanda nang si Apostol Juan sa isla ng Patmos. Sa pamamagitan ng Espiritu, dinala siya ng Dios sa trono ng langit. Doon, “nakita [niya] ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa (PAHAYAG 7:9). Sama-sama silang sumasamba sa Dios, at nagsasabing, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” (TAL. 10).
Patuloy na nagdaragdag ang Dios ng maraming bilang ng taong nagpupuri sa Kanya. Hindi lamang ang mga tagapagsalin ng Biblia at ang mga nananalangin para sa kanila ang ginagamit ng Dios. Pati na rin ang mga buong pag-ibig na nag-aabot ng Magandang Balita ni Jesus sa kanilang kapwa. Maaari tayong magalak sa masayang misyong ito at humanga kung paano pa daragdagan ng Dios ang mga taong sasama sa mga anghel upang papurihan Siya, “Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin Siya magpakailanman!” (TAL. 12).
