Para sa unang pagmimisyon ko, pumunta kami sa kagubatan sa lugar ng Amazon sa bansang Brazil. Minsan, bumisita kami sa isa sa mga iilang bahay na may pansala ng tubig. Ito ang nasaksihan ko: inilagay ng may-ari sa itaas na bahagi ng pansala ang maruming tubig na galing sa balon. Ilang minuto lang, luminis na ito. Wala na ang dumi at puwede na itong inumin.
Isang larawan ng paglilinis ni Cristo sa kalooban natin ang pagsalang iyan. Noong una nating makatagpo si Jesus, lumapit tayo sa Kanyang dala dala ang mga kasalanan at kahihiyan natin. Tinanggap natin Siya bilang tagapagligtas at hiniling na patawarin Niya tayo. Nilinis Niya tayo sa ating mga kasamaan at ginawa tayong bagong nilalang. Tulad ng maruming tubig na nabago at naging malinis na tubig na pang-inom. Nakakagalak malaman na sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Jesus na nagsakripisyo para sa atin, naging matuwid tayo sa harap ng Dios (2 CORINTO 5:21). Inialis na rin sa atin ng Dios ang mga kasalanan natin na parang kasinglayo ng silangan sa kanluran (SALMO 103:12).
Ganoon pa man, alam nating nagkakasala pa rin tayo. Paalala sa atin ni Apostol Juan na kapag nagkasala tayo, makakaasa tayo sa paglilinis ni Jesus: “kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin Niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid Siya” (1 JUAN 1:9). Magtiwala tayo sa katotohanang patuloy tayong nililinis ni Cristo.
