Kasama ang dalawa kong kaibigan, inakyat namin ang Grand Canyon sa bansang Amerika. Paakyat pa lang kami, napaisip na kami kung sasapat ba ang dala naming tubig. Mabilis nga namin itong naubos kahit malayo pa kami sa tuktok. Dahil ubos na ang tubig, naghalong hingal at dasal na ang sumunod. Tapos, pagliko namin sa isang kanto, nagulat kami sa nakita namin. Isang himala. Sa pagitan ng mga bato, may nakasuksok na tatlong bote ng tubig. May kasama itong sulat: “Alam [ko] kakailanganin ninyo ito. Enjoy!” Nagkatinginan kaming tatlo na pare-parehong ‘di makapaniwala sa nangyari. Bumulong kami ng pasasalamat sa Dios at lumagok ng tubig. Pagkatapos, tumuloy na kami sa huling bahagi ng pag-akyat namin. Hindi pa ako nakaranas ng ganoong pagkauhaw at pagpapasalamat sa buong buhay ko.

Hindi man umakyat sa Grand Canyon ang sumulat ng salmo, malinaw na alam niya kung ano ang asal ng usa kapag nauuhaw o natatakot. “Nasasabik” ang usa (SALMO 42:1). Naalala ko riyan ang matinding gutom at uhaw na para bang ikakamatay na kung hindi maaagapan. Inihalintulad ng salmista ang tindi ng uhaw ng usa sa pananabik niya sa Dios. “O Dios, ako sa Inyo’y nananabik,” ang sabi niya (TAL. 1).

Tulad ng tubig na kailangang-kailangan, laging nakahandang sumaklolo ang Dios sa atin. Nananabik tayo sa Kanya dahil dulot Niya ang panibagong lakas at pagpapanariwa sa minsan ay nakakapagod na buhay natin. Inihahanda Niya rin tayo para sa kahihinatnan ng araw-araw na paglalakbay natin sa buhay.