Marahil nakita mo na ang simbolong “like” sa Facebook. Ito iyong nakataas na kaliwang hinlalaki na ginagamit para ipahayag ang pagkagiliw. Malaking bahagi na iyan ng buhay ng marami sa atin kaya parang nakakagulat na noong 2009 lang pala iyan naimbento ni Justin Rosenstein. Sabi niya, idinisenyo niya iyan dahil nais niyang tumulong makagawa ng “mundo kung saan itinataas ng mga tao ang isa’t isa kaysa hinihila pababa.” Pero ikinalungkot niyang nagdulot iyan sa pagkalulong ng marami sa social media na gaya ng Facebook.
Sa tingin ko, natumbok ng imbensyon ni Rosenstein ang malalim na pangangailangan ng tao na makagiliwan at makipag-ugnayan sa iba. Nais nating makilala at mapansin tayo ng iba – at like nila tayo. Kahit bago pa lang ang simbolong like, kasing edad naman ng paglikha ng Dios sa tao ang pagnanais na makilala tayo ng iba at makila rin natin sila.
Gayon pa man, parang hindi pa rin nakasasapat ang like sa social media, hindi ba? Mabuti na lang, hindi hamak na mas malalim pa riyan ang pag-ibig ng Dios sa atin. Ipinakita sa Jeremias 1:5 na lubos na malalim ang layunin ng Dios sa isang propetang hinirang Niya: “Bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita.”
Kilala na ng Dios ang propeta bago pa siya nabuo, at may inilaan na ang Dios na makabuluhang pakay para sa buhay niya (TAL. 8-10). Inaanyayahan din tayo ng Dios sa isang buhay na may pakay at layunin habang nakikilala natin Siya bilang ating Amang malalim ang pagkakakilala at pagkagiliw sa atin.
