Dali-daling umuwi ang kaibigan ko mula sa nakaka-stress na trabaho niya sa ospital. Iniisip niya kung ano ang lulutuin niya para sa hapunan nilang mag-asawa. Naalala niyang manok ang niluto niya noong Linggo at ininit nila ang natira noong Lunes. Manok ulit nung Martes, pero ibang luto naman. Ngayon, pagtingin niya sa freezer, may nakita siyang dalawang hiwa ng isda. Niluto niya iyon kahit hindi mahilig sa isda ang asawa niya, wala kasing ibang pagpipilian na mabilis lutuin.

May paghingi ng paumanhin ang tinig niya nang ihain niya ang ulam sa hapag-kainan. Sinabi niya sa asawa niyang kauuwi lang mula sa nakaka-stress din na trabaho, “Alam ko hindi ka mahilig dito.” Tumingin sa kanya ang asawa niya at sinabing, “Mahal, masaya na akong may mapagsasaluhan tayo.”

Ipinapaalala niyan ang halaga ng pagpapasalamat sa araw-araw na pagtustos ng Dios, kahit ano pa ang ibigay Niya. Tinutularan natin si Jesus kapag ipinagpapasalamat natin ang araw-araw na pagkain. Ayon sa Lucas 24:30, noong kumain si Jesus kasama ang dalawa Niyang alagad matapos Siyang mabuhay muli, “kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat Siya sa Dios, [at] pinaghati-hati Niya ito.” Tulad din iyan noong ipinagpasalamat Niya sa Ama ang limang tinapay at dalawang isda noong pakainin Niya ang mahigit limang libong tao (JUAN 6:9). Kapag ipinagpapasalamat natin sa Dios ang pagkain at iba pa Niyang biyaya araw-araw, isinasabuhay natin ang pamamaraan ni Jesus at binibigyang galang natin ang Ama natin sa Langit. Pasalamatan natin ang Dios ngayon.