Sa isang sama-samang pag-aaral ng Biblia isang Sabado, nabagabag ang isang tatay dahil bumalik na sa lungsod nila ang minamahal ngunit suwail niyang anak. Hindi siya mapalagay na makasama ang anak sa bahay dahil sa asal nito. Samantala, isa pa sa dumalo ang hindi maganda ang pangangatawan dahil sa epekto ng pagkakasakit at pagtanda. Nakailang punta na siya sa doktor, pero hindi pa rin gumanda ang pakiramdam niya. Napanghihinaan na siya ng loob. Sa awa ng Dios, Marcos 5 ang kabanatang inaral nila sa umagang iyon. At nang natapos na ang pag-aaral nila, ramdam na ramdam ang pag-asa at galak nila.

Sa Marcos 5:23, nagmamakaawang lumapit si Jairus, isang ama, kay Jesus: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita.” Habang papunta sila para pagalingin ang dalagita, pinagaling ni Jesus ang isa pang babae sa karamdamang matagal na niyang iniinda. Ang sabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (TAL. 34). Buong pagtitiwalang lumapit si Jairus at ang babae kay Jesus, at hindi sila nabigo. Subalit, makikita natin sa halimbawa ng dalawang taong ito na bago nila mapuntahan si Jesus, lumala muna ang sitwasyon nila bago nalapatan ng solusyon.

Hindi namimili ang mga problema. Ano man ang ating kasarian, edad, lahi, o kabuhayan, humaharap tayong lahat sa mga sitwasyong nakakalito o nakakagulo sa atin. Kaya napapatanong tayo. Imbes na hayaan ang ating sitwasyon upang ilayo tayo kay Jesus, subukan nating gamitin ang mga ito para mas mapalalim ang pananampalataya natin sa Kanya. Nalalaman at nararamdaman ni Jesus kapag lumapit tayo sa Kanya (TAL. 30). Kaya rin Niya tayong pagalingin.