Sa Amerika, kahit dalawa’t kalahating taon na mula noong ideklara ni Presidente Abraham Lincoln na malaya na ang mga taong inalipin, hindi pa rin ipinapatupad ang pagpapalayang iyon sa lugar ng Texas. Kaya tumungo sa lungsod ng Galveston sa Texas si Heneral Gordon Granger noong Hunyo 19, 1865. Ipinatupad niya ang pagpapalaya sa lahat ng mga inalipin. Marahil laking gulat at galak ng mga alipin sa kanilang narinig dahil natanggal na ang kadenang umaalipin sa kanila!
Nakikita ng Dios ang mga inaapi, at darating ang panahon na palalayain Niya ang mga biktima ng kawalan ng hustisya. Totoo pa rin iyan ngayon katulad noong panahon nina Moises. Kinausap siya ng Dios mula sa isang naglalagablab na punongkahoy para sa isang mahalagang mensahe: “Nakita Ko ang paghihirap ng Aking mga mamamayan sa Egipto” (EXODUS 3:7). Hindi lang Niya nakita ang pagmamalupit ng mga Egipcio sa mga Israelita. Mayroon Siyang gagawin: “Kaya bumaba Ako para iligtas sila... at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain” (TAL. 8). Si Moises ang napiling tagapagsalita ng Dios upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang kalayaan: “Kaya ipapadala Kita sa Faraon para palayain ang mga mamayan Kong Israelita sa Egipto” (TAL. 10).
Hindi man kasing bilis ng nais natin ang itinakdang panahon ng Dios, darating din ang araw na palalayain Niya tayo mula sa pagkakagapos at kawalan ng katarungan. Ang Dios ang nagbibigay ng pag-asa at kalayaan sa mga inaapi.
