Walang nag-akalang may mahalagang magagawa si Jørn. Umuupa lang siya ng lupa para makapagsaka, malabo ang mata, at may iba pang kahinaan sa katawan. Gayon pa man, ibinuhos niya ang sarili para sa mga kasama niya sa pamayanan nila sa bansang Norway. Kapag hindi siya makatulog dahil sa sakit, ipinagdarasal niya ang bawat kapitbahay na para bang binibisita niya sa panalangin ang bawat bahay. Isa-isa niyang binibigkas ang kanilang mga pangalan, pati mga batang hindi pa niya nakikita. Gusto ng mga tao ang mahinahong pakikitungo ni Jørn. Lumalapit sila sa kanya para sa kanyang payo. Kung hindi man makapag- abot ng tulong si Jørn, gumagaan naman ang pakiramdam nila dahil dama nila ang pag-ibig niya. Hindi nakapagtatakang noong pumanaw si Jørn, pinakamarami sa kasaysayan ng bayan nila ang nakipaglibing kahit pa wala siyang pamilya roon. Namulaklak at namunga ang mga dasal ni Jørn.

Sinundan ng mapagpakumbabang taong ito ang halimbawa ni Apostol Pablo. Mahal ng apostol ang mga pinaglingkuran niya, at ipinanalangin niya sila kahit habang nakakulong siya. Malamang nakakulong siya sa lungsod ng Roma noong lumiham siya sa mga taga Efeso. “Hiniling ko sa Dios...na bigyan Niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu....[at] maliwanagan ang inyong puso’t isipan” (EFESO 1:17-18). Nais niyang makilala nila si Jesus at mabuhay silang may pag-ibig at pagkakaisa ayon sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ibinuhos nina Apostol Pablo at Jørn ang sarili nila sa Dios at ipinagdasal nila sa Dios ang mga iniibig at pinaglilingkuran nila. Nawa matuto tayo sa halimbawa nila para sa pagmamahal at paglilingkod natin sa kapwa natin ngayon.