Nang lumipat ako sa bansang England, hindi ko agad naisip na kilo nga pala ang gamit nila sa pagtitimbang at hindi libra (pound). Kaya naman nang umorder ako ng saging, tatlong kilo pala ang nabili ko at hindi tatlong libra. Imbes na walo, dalawampung saging ang natanggap ko. Dahil dito, naisip kong gumawa ng banana bread para ipamahagi sa iba. Habang nagluluto ako, inalala ko ang mga ibang pagkakataong nakaranas ako ng hindi inaasahang kasaganaan. At napagtanto kong lahat ng iyon ay galing at dahil sa Dios.

Gayundin ang karanasan ng apostol na si Pablo nang alalahanin niya ang mga biyaya ng Dios sa kanya. Habang sinusulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo, naalala niya ang buhay niya bago niya makilala si Jesus. Inilarawan niya ang sarili niya bilang mang-uusig at lapastangan (1 TIMOTEO 1:13) at “pinakamakasalanan sa lahat” (TAL. 15). Ngunit sa kabila nito, ibinuhos ng Dios kay Pablo ang biyaya, pananampalataya, at pag-ibig (TAL. 14). Kaya naman hindi napigilan ni Pablo na papurihan ang karapatdapat at nag- iisang Dios (TAL. 17).

Tulad ni Pablo, tumanggap din tayo ng mayamang biyaya mula sa Dios. Dahil ito kay Jesus at sa inaalok Niyang pagliligtas mula sa kasalanan (TAL. 15). Pagbulayan natin ang mga biyayang kaakibat ng pagliligtas ni Jesus. Gaya ni Pablo, tiyak na mapapabulalas din tayo ng pagpupuri sa ating mabiyayang Dios.