Napaiyak na lang si Susy sa labas ng intensive care unit (ICU). May tubig kasi sa baga ang kanyang sanggol na dalawang buwan pa lamang. Ginagawa naman ng mga doktor ang lahat, pero hindi nila maipangakong maililigtas nila ang bata. Sa puntong iyon, nadama ni Susy ang udyok mula sa Banal na Espiritu na sambahin ang Dios. Wala siyang lakas na kumanta, kaya nagpatugtog na lang siya ng mga papuring awit. Habang ginagawa niya iyon, nakaramdam siya ng pag-asa at kapayapaan. Natutunan ni Susy na “hindi binabago ng pagsamba ang Dios, tayo ang binabago ng pagsamba.”
Gayundin ang ginawa ni David nang humarap siya sa matinding sitwasyon. Lumapit siya sa Dios nang nananalangin at nagpupuri (SALMO 30:8). At ayon kay David, “ang [kanyang] kalungkutan ay pinalitan [ng Dios] ng sayaw ng kagalakan,” kaya magpupuri siya “magpakailanman” at sa lahat ng sitwasyon (TAL. 11-12). Hindi madaling magpuri sa gitna ng kalungkutan. Pero kung pipiliin nating sumamba, babaguhin tayo ng Dios. Papalitan Niya ng pag- asa ang ating paninimdim at ng pananampalataya ang ating takot. Maaari rin Niyang gamitin ang halimbawa natin upang palakasin ang loob ng iba (TAL. 5).
Sa huli, pinagaling ng Dios ang anak ni Susy. Bagama’t hindi laging ayon sa nais natin ang pagtugon ng Dios, makatitiyak naman tayong babaguhin tayo ng Dios. Papalitan Niya ng kagalakan ang ating kalungkutan (TAL. 11).
