Handa na si Elsie na umuwi sa piling ng Dios nang malaman niyang may cancer siya. Pero gumaling siya, bagama’t hindi na siya nakalalakad. Tanong tuloy niya sa Dios, “Ano pa ang silbi ko? Wala naman akong kayamanan o kakayanan. Hindi na rin ako nakalalakad. Paano pa ako magiging kagamit-gamit sa Iyo?”
Hanggang sa nakakita siya ng maliliit at simpleng paraan upang tulungan ang mga naglilinis ng bahay niya. Kung minsan, binibigyan sila ni Elsie ng pagkain. Minsan naman, inaabutan niya sila ng kaunting pera. Maliit man ang halaga, malaking tulong na iyon para madagdagan ang panggastos nila. Habang tumutulong si Elsie sa iba, pinagpapala rin naman siya ng Dios. Ilan sa mga kaibigan at kamag-anak niya ang nagpapadala sa kanya ng mga regalo at pera, na siyang ibinabahagi niya sa iba.
Nang marinig ko ang kwento ni Elsie, nakita kong larawan siya ng 1 Juan 4:19, “Umiibig tayo sa Dios dahil Siya ang unang umibig sa atin.” Nakita ko ring totoo ngang “mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap” (GAWA 20:35).
Dahil nakakatanggap ng biyaya si Elsie, nakakapagbigay siya sa iba. At habang nagbibigay siya, napalalakas din ang loob niya. Tanging isang pusong mapagmahal, mapagpasalamat, at handang magbigay lang naman ang meron si Elsie. Pero ginamit ng Dios ang simpleng meron siya upang magpala ng marami. Bigyan din nawa tayo ng Dios ng mapagpasalamat at mapagbigay na puso.